Oposisyon manggugulo kapag nanalo si GMA

Magsasagawa umano ng mga pambobomba, pananabotahe at iba pang uri ng paghahasik ng karahasan ang partido ng oposisyon kapag si Pangulong Arroyo ang nagwagi sa gaganaping May 10 national at local elections sa bansa.

Ito ang ibinulgar kahapon ni National Security Adviser Norberto Gonzales kung saan isang malaking pagkilos na tinawag na Oplan Aklas Bayan ang pasisimulan na naglalayong paralisahin ang sektor ng negosyo at kumbinsihin ang mayorya ng militar at pulis maging ang international community na kilalanin ang kandidato ng oposisyon bilang lehitimong presidente kapag natalo sa May 10 elections.

Sinabi ni Gonzales, gagawa ang oposisyon ng mga ulat ukol sa dayaan sa eleksiyon, malawakang brownouts na isisisi sa administrasyon, walkout ng opposition poll watchers at mass actions sa EDSA, pananabotahe, propaganda, karahasan kabilang na ang pambobomba.

Batay umano sa namonitor na pagpupulong ng mga personalidad na sangkot sa Oplan Aklas Bayan, sinasabing sa panahon ng pag-ungos ni Pangulong Arroyo sa bilangan ay magkakaroon ng pagkakaisa ang oposisyon upang labanan ang liderato ni PGMA.

Gagamitin din umano ng oposisyon ang urban poor o ang hanay ng masa sa Metro Manila para sa paglulunsad ng mass action partikular ang mga squatters sa Pasay City, Caloocan City, Guadalupe sa Makati, Talayan at Bgy. Commonwealth sa QC, Taguig at San Juan. (Ulat nina Angie dela Cruz/Joy Cantos)

Show comments