Humarap sa media sa World Trade Center, Pasay City ang grupo ni Father Nico kahapon upang ilunsad ang isang fund-raising para makalikom ng pantustos sa pag-aaral ni Peter John Barcelona ng Calapan City, Oriental Mindoro na ninakawan umano ni de Castro.
Ang 13-anyos na si Peter na ipinanganak na walang dalawang kamay at paa ay ipinalabas sa MGB upang makahingi ng donasyon para sa kanyang pag-aaral ngunit sa mahigit na P138,000 nalikom ay P5,700 lamang ang binigay kay Peter.
Sa pormal na reklamo na isinampa kamakalawa sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP), inakusahan din si de Castro ng paggamit kay Peter para sa pamumulitika para palabasin na siya ay matulungin at "Mr. Public Service".
Sinabi ni Fr. Nico na magtatayo sila ng isang trust fund para sa pag-aaral ni Peter at tulong na din sa kanyang pamilyang hikahos na mga magsasaka sa Oriental Mindoro. Pakikiusapan ng grupo ang ABS-CBN na punan ang mga ninakaw o kinupit na mga donasyon para kay Peter bilang pagtitika sa mga pang-aapi sa bata.
Sa palabas sa MGB, kinunan si Peter ng walang pahintulot ng mga magulang na kumakain na parang baboy dahil nga walang dalawang kamay, naliligo at naglalakad na walang saplot ang katawan at labas ang ari. (Ulat ni Rudy Andal)