Ayon kay Atty. Hector Villacorta ng KNP executive committee, isang hindi nakilalang lalaki ang nag-abot ng photo copy na dokumento habang sila ni Mayor Jejomar Binay, campaign manager ni FPJ sa Metro Manila, ay nagsasagawa ng press conference kahapon sa Silver Place sa Makati City.
Nang alamin ni Atty. Villacorta ang naturang photo copy ay nalaman niyang kopya ito ng Land Bank check no. 0000-42544 na nakapangalan sa superstar na si Nora Aunor bilang kabayaran sa kanyang serbisyo.
Ang account ng tseke na nagkakahalaga ng P6.2 milyon ay sa ilalim ng Office of the President sa Land Bank-Malacañang branch.
Inaalam naman ng KNP kung totoong nagkaroon ng transaksiyon sa ganitong halaga na nakapangalan kay Ms. Aunor sa nasabing bangko.
Sinabi ni Villacorta, dapat lamang nilang alamin muna ito dahil baka patibong lamang ito ng Palasyo para hiyain ang oposisyon sa isang bogus na ebidensiya sa paggamit umano ng pondo ng gobyerno ni GMA sa kanyang propaganda.
Aalamin din ng oposisyon kung saan nagmula ang pinambayad na talent fee sa mga artistang endorsers ni GMA tulad nina Boy Abunda, Ai-Ai delas Alas, Edu Manzano at Kris Aquino na umanoy multi-milyon ang mga talent fee na mas malaki kaysa sa ibinayad kay Ate Guy. (Ulat ni Rudy Andal)