Sa isang pahayag, sinabi ni Atorni Jesus Santos na isang desperadong hakbang ang ginagawa ng kampo ng oposisyong Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino upang maisalba ang naghihingalong kandidatura ni Da King.
Naniniwal ang batikang trial at litigation lawyer na panahon na para kay FPJ na isiwalat sa publiko na ang mga alipores nito ang nasa likod ng mga bayad na patalastas laban sa pamahalaang Arroyo.
"Dapat na siyang magpakalalaki at aminin na sila ang may gawa ng ibat ibang paninira laban sa Unang Pamilya, kung hindi niya ito gagawin, wala siyang karapatan na mag-ambisyon bilang pangulo ng bansa o kayay tumakbo man lang bilang kapitan ng barangay," ani Santos.
Aniya, nilipat na ng oposisyon ang taktika nito sa kampanya sa pamamagitan ng paglalabas ng mga black propaganda laban sa pamilyang Arroyo dahil wala naman maihaharap na plataporma de gobyerno ang kanilang kandidato sa pagka-pangulo.
"Nine days na lang at halalan na, may sinabi na ba si FPJ kung ano ang gagawin nito sa Malacañang? Wala, tanging right minus wrong ang ating naririnig sa kanyang mga political ads," pahayag pa ni Santos.
Idinagdag pa nito na bagamat tinatawanan lamang ni Ginoong Arroyo ang mga black propaganda ng oposisyon bilang bahagi ng pulitika, inihahanda na rin niya ang kaukulang kasong isasampa laban dito matapos ang halalan sa Mayo. (Ulat ni Malou Rongalerios)