Ayon kay Ocampo, ang bagong modus operandi para magkalat ng kalituhan sa darating na halalan ay ang sadyang pagtatanggal ng pangalan ng isang kandidato sa VIS ng Comelec dahil umano sa "printing error" at "oversight".
Ang VIS ay ipapadala ng Comelec sa mga indibidwal na botante upang maging basehan nila sa pagboto sa araw ng eleksiyon. Ito ay naglalaman ng listahan ng mga opisyal na kumakandidato sa lahat ng posisyon mula presidente hanggang mga lokal na opisyal ng distrito.
Nadiskubre kamakailan ni Ocampo na wala ang kanyang pangalan sa VIS na ipinadala ng Comelec sa mga botante. Aniya, malaking kalituhan sana ang idinulot nito sa mga botante kung hindi niya ito nadiskubre.
Idinahilan ng mga lokal na opisyal ng Comelec na ang nangyari ay isang printing error at oversight lamang dahil napagod sila sa "paglalangoy sa beach" noong Mahal na Araw kung kailan iniimprenta ang nasabing dokumento.
Ngunit ayon kay Ocampo, hindi kapani-paniwala ang katwiran ng Comelec officials at hiniling nito na agad na magpaimprenta ng bago at sirain ang mga maling VIS forms.
Sinabi niya na batay sa impormasyong nakalap ng kanyang kampo, "camera ready" na ang VIS nang ibinigay ito ng Comelec sa imprenta. (Ulat ni Ellen Fernando)