Napilitan ang security at operations groups ni FPJ na kanselahin ang rali nito kahapon ng tanghali matapos ibunyag ng isang supporter ni Da King na kakampi umano ni Mayor Renato Parojinog na siya ang inatasang manggulo sa rali at pasabugin ang stage.
May namumuong gulo sa pagitan nina incumbent Mayor Parojinog, kaanak ng Parojinog na minsang naugnay sa Kuratong Baleleng, at PDP-Laban mayoral bet Ben Fuentes, kung sino sa kanila ang dapat maging opisyal na kandidato ng KNP at dapat itaas ang kamay ni FPJ sa nakatakdang rali.
Ayon sa source, pasasabugin umano ang campaign rally sa Ozamis City dahil si Fuentes ang napiling oisyal na kandidato ng KNP kaysa kay Parojinog.
Sa natanggap na text message nakasaad na "supporter po ako ni FPJ at tagaloob ako, nakonsensiya ako kaya sasabihin ko sa inyo na grupo ng Kuratong Baleleng ang mambobomba sa rali ninyo ngayon to kill my idol kasabwat ang mga pulis na naka-assign sa inyo. Please act fast kasi mga tuta ni GMA yong mayor at military."
Dahil dito, napilitan si FPJ na huwag nang ituloy ang campaign rally bagkus ay nagtuloy na lamang ito sa Dipolog City pagkagaling sa Pagadian City.
Kinumpirma naman ni Sen. Gringo Honasan, chief ng security group ni FPJ, na may ganitong banta kaya napilitang kanselahin ang nasabing rali sa Ozamis City para na rin sa kaligtasan ni FPJ at buong tiket ng KNP.
Nabigo namang makunan ng kanyang panig si Parojinog. (Ulat ni Rudy Andal)