Eddie Gil tanggal na,pati partido binura

Inabot ng dobleng kamalasan si presidential candidate Eddie Gil makaraang tuluyang idisqualify ng Korte Suprema at tanggalin pati ang pangalan ng kanyang partidong Isang Bansa Isang Diwa sa listahan ng mga political party.

Sa isang pahinang resolusyon SC, ibinasura ang petisyon ni Gil na naglalayong baligtarin ang naunang desisyon ng Comelec na nag-didisqualify sa kanya.

Ipinaliwanag ng SC na walang sapat na batayan at merito upang baguhin nito ang desisyon ng Comelec at payagan si Gil na makatakbo bilang pangulo sa darating na Mayo 10.

Kahapon ay tinanggal na rin sa listahan ng mga accredited political party ang kanyang partidong Isang Bansa Isang Diwa.

Sa resolusyon ng Comelec First Division sa pamumuno ni Commissioner Rufino Javier, kinatigan nito ang petisyon ni Honesto Isleta ng Bangon Pilipinas na alisin sa listahan ang naturang partido sa mga kinikilala ng komisyon na political party.

Iginiit ng Comelec na hindi nakakuha ang partido ng 10 porsiyento ng boto na kinakailangan nang patakbuhin si Gil na senador noong 2001.

Bukod pa rito ay idineklara na ring isang nuisance candidate si Gil ng Comelec dahil sa kawalan nito ng makinarya at kakayahang mangampanya kaya wala na ring saysay ang kanyang partido. Ito’y sa kabila ng pahayag ni Gil na kakabili pa lang niya ng bagong helicopter at may milyong pera sa bangko.

Iaapela ni Gil sa Korte Suprema ang nasabing kaso. (Ulat nina Grace dela Cruz/Ellen Fernando)

Show comments