Sa kanyang pahayag kahapon, mariing kinondena ni Ocampo ang mga opisyal ng Comelec sa kanilang "ill-motivated and deliberate booboo" na hindi pagsama sa kanyang pangalan sa listahan ng mga kandidato na ipinapadala sa mga botante.
Nang komprontahin ni Ocampo ang mga opisyal ng Comelec sa kanyang distrito, idinahilan ng mga ito na "printing error" ang nangyari na hindi nila napuna dahil sila umano ay "napagod" sa pagtatampisaw sa beach" noong Holy Week.
"Lubhang kaduda-duda at napakababaw ng kanilang dahilan na ito raw ay kaso lamang ng pagkakamali sa pag-iimprenta. Papaano nila di maisasama ang aking pangalan sa listahan kung wala silang masamang balak, gayong ako lamang sa mga kumakandidato sa 6th district ang nanalo na nang hindi lamang minsan kundi tatlong beses bilang kongresista," batikos niya.
Ayon kay Ocampo, ilang beses nang nagtungo ang mga opisyal ng Comelec sa kanilang tahanan upang magpaliwanag at nangakong i-stamp pad na lamang daw ang kanyang pangalan sa mahigit 200,000 kopya ng listahan na ipapadala sa mga indibidwal na botante.
Mariin niyang tinanggihan ang naturang ideya at hiniling na kagyat na magpaimprenta ng bagong forms at sunugin o gutay-gutayin ang mga naunang forms na wala ang kanyang pangalan. "Hindi ko tatanggapin na i-stamp pad lamang ang pangalan ko. Walang katiyakan na lahat ng forms ay malalagyan ng pangalan ko at malinaw na mababasa ng botante," sabi niya.
Kaugnay nito, nanawagan si Ocampo kay Comelec Chairman Benjamin Abalos na siguraduhin na maging malaya at malinis ang pagdaraos ng halalan sa ika-anim na distrito ng Maynila matapos ang maanomalyang eleksiyon noong 2001 kung saan nakaharap ng beteranong mambabatas na si Pablo Ocampo, ama ni Sandy, ang kontrobersyal na milyonaryong si Mark Jimenez.
Nanalo si Jimenez ng halos 500 boto lamang, ngunit pinawalang-bisa ang panalo nito ng House of Representatives Electoral Tribunal at Korte Suprema sa kasong malawakang pandaraya at di totoong paninirahan sa nasabing distrito. (Ulat ni Ellen Fernando)