Pagboto ni Erap sa San Juan, haharangin

Sa kanyang kulungan sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal dapat bumoto si dating Pangulong Estrada sa Mayo 10 at hindi sa kanyang bayan sa San Juan.

Ito ang sinabi kahapon ni Deputy Special Prosecutor Robert Kallos kaugnay sa kahilingan ng dating pangulo na payagan ng korte na makalabas ng kulungan sa Mayo 10 upang makaboto sa San Juan.

Ayon kay Kallos, haharangin ng prosekusyon ang mosyon ni Estrada na makaboto sa Xavier School sa Greenhills.

Sinabi pa ni Kallos na delikado sa kaligtasan ni Estrada ang lumabas ng Camp Capinpin sa May 10 kaya doon lamang ito dapat bumoto.

Inihayag ni Kallos na nauunawaan nila ang kalagayan ni Estrada at hindi nila hahadlangan ang karapatan nito sa pagboto pero dapat isaalang-alang ang seguridad nito.

Nauna rito, hiniling ng mga abogado ni Erap sa Sandiganbayan Special Division na payagan ang dating pangulo na makalabas ng 36 oras mula sa kanyang detention cell, makaboto at makabisita sa kanyang may sakit na ina kung saan nais niyang matulog ng isang gabi sa tahanan ng kanyang ina.

Noong May 2001 senatorial at local elections, pinayagan ng korte sina Estrada at anak nitong si Jinggoy na makaboto sa kanilang detention quarters sa Veteran’s Memorial Medical Center. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments