Election 'hotspots' lumobo na sa 30

Dalawang linggo bago idaos ang May 10 national at local elections sa bansa ay 11 pang bayan at siyudad ang nadagdag sa talaan ng "election areas of immediate concern" o hotspots.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP spokesman P/Sr. Supt. Joel Goltiao kung saan ay lumobo na sa 30 bayan at siyudad mula sa 21 lalawigan ang naaprubahan ng Comelec na idagdag sa mga hotspot kaugnay ng nalalapit na halalan.

Sa rekord ng PNP Central Operations Center sa Camp Crame, nabatid na ang lalawigan ng Isabela ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng ‘election hotspots’ na dalawang bayan at isang siyudad. Kabilang dito ang Santiago City na siyang kapitolyo ng lalawigan at ang mga bayan ng Ramon at Echague.

Kasama naman sa nadagdag sa hotspots sa bahagi ng Northern at Central Luzon ang San Carlos City at ang bayan ng Natividad, Pangasinan; Danglas sa Abra; Dinalupihan, Bataan; Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Sa Southern Tagalog at Bicol Region, ang Mataas na Kahoy sa Batangas; Polilio at Bordeos sa Quezon; Sta. Cruz at Sablayan sa Occidental Mindoro; Naujan at Pola, Oriental Mindoro habang sa Region 5 ay ang Gigmoto sa Catanduanes; Baao sa Camarines Sur; Gubat at Casilla sa Sorsogon.

Sa Visaya ay Hindang, Leyte; Tarangan at Jiabong sa Western Samar at Tagbilaran sa Bohol.

Kabilang naman sa nadagdag na hotspots sa Mindanao region ang Buug, Zamboanga Sibugay; Baganga sa Davao Oriental; Tagbina sa Surigao del Sur; Loreto sa Agusan del Sur at ang mga bayan ng Parang at Paglas sa Maguindanao.

Umaabot naman sa 12 kandidato ang napapaslang at anim ang nasugatan sa kabuuang 68 insidente ng karahasang may kinalaman sa pulitika simula ng mag-umpisa ang gunban noong Dis. 15, 2003. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments