Ito ang inihayag ni dating Congressman Victorino Lorenzo, ang kinatawan ng ika-4 distrito ng Nueva Ecija noong 9th Congress.
Ayon kay Lorenzo, masyado nang mahaba ang siyam na taon para sa mag-asawang Villareal na nagpalitan lang sa posisyon bilang kongresista ng kanilang distrito. Si Lorenzo ay kapatid ni dating Congw. Julita Villareal na asawa ni reelectionist Cong. Raul Villareal.
"Ang siyam na taon ay napakahaba para sa isang taong nanunungkulan. Si Julita ay anim na taon, si Raul magta-tatlong taon na ngayon. Sa aking palagay, napapanahon na para sa Distrito IV ang pagsubok ng ibang nanunungkulan," pahayag pa ni Lorenzo.
Kaugnay nito, inendorso ni Lorenzo si Rody Antonino. "Naging senador ang kanyang ina at ama, bakit di natin bigyan ng pagkakataon itong si Rody Antonino na siyang maluklok bilang congressman," ayon pa sa dating kongresista.
"Ang mga taoy sumisigaw ng kahirapan. Ang ating dapat ipagbigay serbisyo sa kanila ay lubhang nagkukulang," pagbatikos pa ni Lorenzo hinggil sa nagiging pagkukulang ng sarili niyang kapatid at bayaw sa kanilang distrito. (Ulat ni MRongalerios)