Botante sa Subic dumami

Pinasusuri sa Comelec ng ilang kandidatong local ang nabistong biglaan at kaduda-dudang paglaki ng bilang ng mga botante sa bayan ng Subic, Zambales.

Hiniling ni Lakas-CMD gubernatorial candidate Cheryl Deloso at Subic mayoral candidate Edgar Garcia na imbestigahan ang pagdami ng mga botante na umaabot ng 44,661 mula sa halos 25,000 lamang noong halalan ng 2001.

Nabatid na ang orihinal na bilang ng mga botante noong 2001 ay 32,439 ngunit umabot lamang ng halos 25,000 dahil tinanggal ng Comelec sa listahan ang napatunayang mga flying voters.

Ayon naman kay Garcia, ang nabunyag na "padding of voters’ list" ay nagpapatunay na desperado na ang kanilang mga kalaban na maniobrahin ang resulta ng halalan partikular sa unang distrito ng Zambales.

Ayon pa sa dalawa, "statistically improbable" na dumami ng 20,000 ang mga botante sa Subic samantalang maliit lamang ang itinaas ng bilang ng mga botante sa mga karatig bayan.

Sa San Marcelino ay tumaas lamang ng 3.&% ang bilang ng mga botante (13,958 noong 2001, 14,487 ngayon); Castillejos, 17.6% (16,409 noong 2001, 19,307 ngayon); sa Olongapo City, ang pinakaprogresibong bayan sa Zambales ay nabawasan pa ang mga botante ng 3% mula 118,781 noong 2001 at 115,103 na lang ngayon. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments