Ang nasabing pagdinig ay kaugnay sa isinampang petisyon ng isang Oliver Suarez, 32, negosyante, registered voter at residente ng Block 3 Plaza Area, Letre Road, Bgy. Tonsuya, Malabon City.
Nakasaad sa isinumiteng petisyon ni Suarez na isinampa sa tanggapan ni Comelec Director IV Atty. Esmeralda Amora-Ladra na dapat i-disqualify si Yambao sa pagtakbo bilang alkalde ng lungsod ng Malabon bukod pa sa pagkansela sa certificate of candidacy nito dahil sa umanoy paglabag sa probisyon ng Omnibus Election Code o dahil sa umanoy iligal na paggamit nito ng mga kagamitan ng lungsod at maagang pangangampanya.
Sa reklamo ni Suarez, sinabi nito personal umano niyang nasaksihan dakong alas-8:30 ng umaga noong Marso 1, 2004 si Yambao habang nakikipag-pulong kung saan ay inatasan nito ang mga tauhan ng city government partikular ang mga driver sa Malabon City Government at ilan sa mga opisyal na ikabit sa mga sasakyan ng pamahalaang lungsod tulad ng bus para sa senior citizens at owner-type jeep na inisyu sa Comelec-Malabon na ikabit ang malalaking poster na may malaking larawan nito kung saan nakalagay rin umano sa poster ang mga katagang "Libreng Sakay" at "Subok sa Serbisyo".
Pinuna ni Suarez na dapat sanay magsisimula pa lamang sa Marso 25, 2004 ang kampanyahan.
Bukod dito, lumabas din ang pahayagang "Diretso" na inilathala ng Public Information Office ng lungsod ng Malabon kung saan si Yambao pa umano ang namimigay sa mga mamamayan ng Malabon City noong umaga ring iyon ng Marso 1, 2004. (Ulat ni Ellen Fernando)