Sa promulgasyon nito, sinabi ng Comelec na ang kandidatong si Adelina "Deline" Rodriguez-Zaldarriaga ay hindi kuwalipikadong tumakbo sa pagka-alkalde dahil sa isang importanteng probisyon sa Local Government Code.
Sinabi ng Comelec na ang kandidatura ni Zaldarriaga ay taliwas sa Title II Chapter 1 Section 39 na nagsasabi na ang isang kandidatong lokal ay nararapat na residente ng hindi kukulangin ng isang taon kung saan ito nagnanais na mahalal bago pa man sumapit ang araw ng halalan.
Ang pagkakadiskuwalipika ni Zaldarriaga ay bunsod ng petisyong inihain noong Pebrero ni San Jose, Rodriguez bgy. chairman Roger Frias kung saan sinasabi nito na tunay na hindi residente si Zaldarriaga dahil hindi ito nakatira, hindi kailanman bumoto o nagparehistro man lamang bilang botante. Ito anya ay residente ng #4 Melbourne st. Merville Park, Parañaque city base sa inisyung katibayan ng Merville Park Homeowners Asso. Inc.
Ang running mate ni Zaldarriaga na si Melo Sta. Isabel ang siya umanong tatakbong mayor habang ang kandidatong konsehal na si Jonas Cruz ang kakandidatong vice mayor. (Ulat ni Ellen Fernando)