Ayon sa mga dating pro-FPJ groups mula sa ibat ibang probinsiya, malabo na ang tsansa ng oposisyon na pataubin si Presidente Arroyo sa darating na presidential elections dahil sa kawalang pagkakaisa ng oposisyon.
Maging si dating Presidente Estrada ay nagbabala kay FPJ at Lacson na tanging ang isang unified ticket lamang ng oposisyon ang makakatalo sa administrasyon.
Kaugnay nito, dumagsa ang malalaking grupo na nagsibaklasan na sa kampo ni FPJ.
Animoy eksena sa rebolusyon noong panahon ng Kastila na pinagpupunit ng mga lider at miyembro ng FPJPM Laguna Chapter ang kani-kanilang mga FPJPM ID cards bilang hudyat ng kanilang pagbaklas kay Da King.
Ayon naman sa isang grupo ng mga Muslim na dating taga-suporta ng KNP, maliban sa pagbagsak ni FPJ sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey, nag-alisan din sila sa KNP sa kadahilanang hanggang ngayon ay walang maiprisintang platform of government si FPJ.
Ayon kay Allan Dimaporo, isa sa mga lider ng Muslim group, "hindi natin kailangan ng isang aktor sa Malacañang, dapat totoong lider at hindi pampelikula."
Una nang kumalas na ang United Sectoral Movement (USM) na dating taga-suporta ni FPJ. Ang USM ay binubuo ng 83 organisasyon at may ipinagyayabang na 3.2 milyon na miyembro sa buong bansa.
Sa Davao City, sinabi naman ni Josefina Sanchez, senior organizer ng Freedom, Peace and Justice Movement o FPJM, na may 60 lider at coordinators nito ang kumalas na sa KNP, dahil hindi nila makausap si FPJ at ang mga lider naman ng KNP ay pinababayaan sila. (Ulat ni Rudy Andal)