Ito ay matapos pumayag si Pangulong Arroyo na magsagawa ng "naval blockade" sa karagatan ng Basilan na hakbang para masigurong hindi makakalabas ng Basilan ang mga pugante.
Sa report, mahigit kalahati na o 28 ang nasakote matapos sunud-sunurin ang manhunt operation sa mga ito at 25 na lamang ang tinutugis, siyam dito ay kumpirmadong mga Abu Sayyaf sa pangunguna ni Abu Black.
Patuloy ang pagtugis sa mga pugante kasabay ng pag-amin ng pulisya na isang malaking kahihiyan at kapalpakan ang nangyaring pagpuga.
Sa isang pahayag, pinahihinto naman ng Pangulo ang pagsisisihan sa isat isa ng mga ahensiya ng pamahalaan na responsable sa pangangalaga ng mga bilanggo sa mga piitan ng bansa.
Ayon sa Pangulo, sa halip na magsisihan kailangang pagbutihin muna ang paghahanap at pagtugis sa mga pugante at saka na lutasin ang isyu kung sino ang dapat na managot sa pagkakatakas sa kulungan ng 53 katao, 8 dito ay napatay.
Binigyang diin ng Pangulo na importanteng madakip muna ang mga nakatakas dahil banta sila sa pambansang seguridad.
Ang pahayag ay ginawa ni Pangulong Arroyo kasunod ng pangamba ng mga testigo na maaaring manganib ang kanilang buhay sa paghihiganting maaaring gawin sa kanila ng mga takas na bilanggo dahil sa kanilang pagtestigo kontra sa mga ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)