Ayon kay Jaworski, nakasisiguro siyang walang kinalaman si Pangulong Arroyo sa grupong kumikilos sa loob ng K4 para sirain ang kanyang kandidatura kaya wala sa kanyang planong umalis sa partido.
Sinabi ni Jaworski na isang "pakulo" rin ang inilunsad laban sa kanya sa pamamagitan ng paglutang ng ilang complainant mula sa catering business
Inilabas sa showbiz program na The Buzz sa ABS-CBN ang umanoy pagrereklamo ng isang negosyante sa isang ginang na nagpakilalang inutusan ni Jaworski na magka-cater para sa 2,000 katao.
Ayon sa reklamo, binigyan ng catering service ng P2,000 komisyon ang nagpakilalang middle man para sa naturang transaksiyon sa kabila ng hindi nagberipika sa opisina ni Jaworski.
"Masyadong malisyoso dahil alam naman natin na hindi ka basta dapat magbigay ng pera sa isang taong minsan mo lang nakita o nakausap, lalo na kung masyadong malaking negosyo ang gustong ipasok sa iyo," sabi pa ni Jaworski.
Kaugnay nito, binalaan ng senador ang mga black propagandista para ibagsak ang kanyang kandidatura na tumigil sa ganitong pagkilos dahil nagbibigay ito ng masamang reputasyon sa pulitika.
Sinabi ni Jaworski na kahit sino at kahit kailan ay wala siyang inutusan para magpareserba sa catering services kaya binalaan niya ang mga negosyante na huwag magpaloko sa sindikatong kumikilos. (UIat ni Rudy Andal)