Agad namang pinalaya sina Pola Mayor Alex Arenas, Vice Mayor Arturo "Rocky" Martinez at ang 8 konsehal nito na dinukot nitong nakaraang Linggo.
Habang isinusulat ang balitang ito ay bihag pa rin ang tatlong security escorts ni Arenas na kinilalang si PO1 Ronald Reanzares at dalawang Army na sina Pfc. Michael Rapades at Pfc. Rommel Javier.
Base sa imbestigasyon, hinarang umano ng tinatayang 30 rebelde na mula sa Lucio de Guzman Command sa pamumuno ng isang alyas Ka Hari ang grupo ni Arenas dakong alas-2 ng hapon noong nakaraang Linggo habang silay nangangampanya sa Barangay Campamiento.
Sa isang radio interview kay Arenas, inamin nito na ang pagtanggi niyang magbayad ng P300,000 campaign fees sa mga rebeldeng aktibong kumikilos sa nasabing lugar ang dahilan ng pagbihag sa kanila.
"Sinulatan nga nila (NPA) ako tungkol sa PTC pero hindi ko nabigyan ng pansin. Ako talaga ang hanap nila, nagpapasalamat naman ako at hindi nila kami sinaktan at iginalang pa rin nila ang aking pagka-mayor," sabi ni Arenas.
Gayunman, naibaba sa P200,000 ang nasabing demand at pinalaya ng mga rebelde ang alkalde at siyam na kasama makalipas ang apat na oras subalit nananatiling bihag ang tatlo nitong security escorts na hindi umano pakakawalan hanggat hindi nila napapasakamay ang nasabing halaga.
Sa kasalukuyan ay nagdidelihensiya pa umano ang alkalde para makalikom ng P200,000 para sa kaligtasan ng kanyang mga escort.
"Alam naman po ninyo ang buhay dito sa aming lugar ay napakahirap at hindi ganoon kadaling kumita ng pera," ayon pa kay Arenas.
Kaugnay nito, hinamon naman ng AFP ang mga partylist groups tulad ng Bayan Muna at Anakpawis na nauna nang pinaratangang supporters ng NPA na tuligsain ang hindi makataong ginawa ng mga rebelde.
Si Arenas ay isang reelectionist sa ilalim ng Liberal Party. (Ulat nina Joy Cantos, Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)