Naganap mismo ang insidente sa loob ng Kamara kamakailan. Napag-alaman na hindi umano nagustuhan ni Cong. Villareal nang kunan siya ng larawan ng naturang tabloid fotog kaya nagsisigaw ito at sinabihan ang huli ng "Bakit mo ako kinukunan ng litrato, ipapa-ambush mo ba ako?" na ikinagulat hindi lamang ng mga nakasaksing mediamen kundi pati ng ibang kongresista.
Hindi pa umano nakuntento si Villareal, inutos nito sa mga security personnel ng Kamara na agawin ang camera at sirain ang film bago ipinakaladkad nito sa mga security personnel palabas ng committee room ang photographer para isailalim sa interogasyon sa barracks.
Sa naturang pangyayari, naging bingi umano si Villareal sa pagdepensa ng ibang taga-media na nakasaksi sa pangyayari.
Matapos ang naturang insidente, walang naging paliwanag o paghingi ng paumanhin si Villareal sa nagawa niyang maling pagtrato sa fotog.
Si Villareal ay nag-aambisyong maihalal muli ng kanyang mga ka-distrito sa Nueva Ecija. (Ulat ni Malou Rongalerios)