Ito ang naging resulta ng isinasagawang survey ng Social Weather Station (SWS) mula Marso 21-29, 2004 kung saan tambak pa din ang lamang ni Kabayan kay Loren na naitala sa 14%.
Kung ang pagbabatayan ay ang by-area survey ng SWS ay nakakuha si de Castro ng over-all rating sa buong bansa na 50% samantalang si Legarda ay 36% lamang.
Sa Luzon ay 48% ang puntos ni de Castro habang si Legarda ay 40%; sa Visayas 51% si Noli at 29% si Loren, at sa Mindanao 57% si de Castro at 32% si Legarda.
Kung ang pag-uusapan naman ay ang by-class, si de Castro ay nagtala ng 44% grado para sa Class ABC, samantala si Legarda ay 39% lamang; 49% naman ang nakuha ni Noli sa Class D at 37% si Loren, at sa Class E ay 51% ang nakuha ni Noli at 35% lamang si Loren.
Sa pangkalahatan para sa by-class na survey, si de Castro ay nangunguna sa kaniyang 50% na puntos sa nangungulelat na rating na 36% ni Loren.
Matatandaang sunud-sunod ang ginawang paninira kay Kabayan na idinadamay pa ang kaniyang pamilya at personal na buhay.
Si de Castro, ayon sa SWS ay nanatiling laging lamang kay Legarda mula Enero 2004 hanggang Marso 2004.
Ang naging katanungan sa mga nasabing survey ay, "Sino ang malamang ninyong iboboto bilang bise presidente kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon?" (Ulat ni Lilia Tolentino)