Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Public Information chief Lt. Col. Daniel Lucero ang biktima na si Tarangnan Mayor Francisco Montero na nagtamo ng tama ng kalibre .45 pistol sa ulo na siyang agarang ikinasawi nito.
Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-2 ng hapon habang ang alkalde kasama ang isa nitong security escort ay naglalakad sa harapan ng Catbalogan Hardware Store sa panulukan ng San Bartolome at Rizal Avenue sa downtown ng nasabing bayan nang biglang sumulpot ang salarin.
Ayon sa mga saksi, ang hitman ay nakasuot pa ng helmet sakay ng isang kulay asul na motorsiklong Honda at may back-up nang pagbabarilin ang nasabing lokal na opisyal.
Patungo si Montero sa pantalan upang sumakay sa isang pump boat papunta sa bayan ng Tarangnan nang tambangan at paputukan ng killer.
Hinihinala ni Lucero na may kinalaman sa pulitika ang naging motibo sa pamamaslang matapos na paslangin rin ng di-pa nakilalang mga salarin ang dating alkalde ng Tarangnan na si Aniceto Olaje sa isang cockpit arena sa Calbayog City noong Pebrero 28, taong kasalukuyan.
Ang bangkay ni Montero ay dinala sa Samar Provincial Hospital para sa awtopsiya. (Ulat ni Joy Cantos)