Kahit itinatanggi ni Legarda na wala siyang kinalaman sa paninira kay de Castro, kumbinsido ang kampo ng senador na ang lady solon ang nasa likod ng demolition job laban sa nangungunang kandidato sa pagka-bise presidente.
Ayon sa statement mula sa kampo ni de Castro, nabuo ang konklusyong ito matapos ibunyag kamakailan ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ng PNP na may "direct link"ang opisina ni Legarda sa smear campaign laban kay de Castro.
Kamakailan lamang ay ibinunyag ng opisina ni NAKTAF Chief Angelo Reyes na mula sa tanggapan ni Legarda ang mga balitang nagsasangkot sa heneral at kay de Castro sa umanoy kasong pangingidnap na isinampa ng isang Lorna Justine Ramoso.
Habang binabasura ng NAKTAF ang reklamo ni Ramoso na "kidnap mastermind" ang hepe ng naturang anti-crime group, sinabi naman ng isang mapagkakatiwalaang tauhan ni Reyes na ang tunay na puntirya ng paninira ay si de Castro.
Napansin ng NAKTAF sa complaint ni Ramoso na halatang-halata ang pagpupumilit ng complainant na isama si de Castro sa kasong kidnapping kahit na walang ebidensiya na magpapatunay dito. "While Secretary Reyes is the initial media target, this will eventually shift to de Castro," ayon sa tauhan ni Reyes.
Samantala, ibinulgar naman ng mga supporters ni de Castro sa Paco, Maynila na may kaugnayan ang lider ng Bagong Lahing Pilipino Development Foundation (BLPDF) kay Legarda.
Nadiskubre ng isang Kabayan headquarters coordinator sa Paco na ang Triple A ang nagsuplay ng pagkain sa mga coordinators ng lady solon. Ang Triple A ay pag-aari ni Alvin Alvincent Almirante, na ayon kay Sen. Joker Arroyo ay isang impostor na nasa likod ng BLPDF.
Ang BLPDF ang nagsilbing starter ng P6 million demolition job laban kay de Castro. Isang mapagkubling PR firm na ino-operate ng isang "Willie," kilala sa industriya na malapit kay Legarda, ang nagpatakbo ng demolition job. Hindi umubra ang unang ratsada ng demolition job kaya dinoble ito kamakailan at ngayon ay napabalitang pumapalo na sa P22 milyon. (Ulat ni Ellen Fernando)