Sinabi ni Manueli na napakasakit para sa kanya ang malaman na ang patuloy na panggugulo sa kanyang pamilya ay bahagi ng isang demolition job para pabagsakin ang kandidatura ng kanyang ama.
"Tigilan mo na ako. Tigilan mo na kami. Masaya na ang buhay namin," pakiusap ni Manueli sa inang si Toralba.
Nauna rito, kinondena ng May Pag-asa ang Kababaihan (MPK), isang women’s group, ang pagpapagamit ni Toralba sa mga kalaban ni de Castro sa pulitika matapos maibulgar na nasuhulan ang dating asawa ng senador para siraan ito.
Sinabi ni MPK president Louie Dayrit na isang paglapastangan sa imahe ng kababaihan at labag sa moralidad ng sambayanang Pilipino ang pagpapagamit ni Toralba sa mga maruruming pulitiko.
Napag-alaman mula sa kampo ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na tumanggap si Toralba ng kalahating milyon upang makilahok sa demolition job laban kay de Castro.
Ang paglahok ni Toralba sa pulitika ay senyales na kumambiyo na ang mga desperadong kalaban ni de Castro sa pinakamataas na antas ng ‘mudslinging’.
Matapos lumantad sa isang KNP campaign rally sa Tagbiliran, Bohol kung saan ipinagsigawan ni Toralba na pabayang ama si de Castro, ipinagkakalat naman ngayon ni Magelan na isang abortionist ang senador.
Nakiusap si de Castro sa kanyang mga kalaban na dalhin na lamang ang laban sa ‘proper arena’ at pag-usapan ang kani-kanilang plataporma.
"Kung hindi nila maiwasan na siraan ako, sana naman ay huwag na lang nilang idamay ang pamilya ko," sabi pa ni de Castro. (Ulat ni Lilia Tolentino)