Nakasaad sa desisyon ng SC en banc ang pagbabalewala sa petisyon na inihain nina Maria Elisa "Boots" Anson-Roa at Amina Rasul dahil sa kawalan ng merito at saysay ng kanilang demanda.
Binalewala din ng Mataas na Hukuman ang kahilingan ng KNP sa isang debate o oral argument kayat siguradong wala ng buhay ang nasabing kaso.
Sa ipinalabas na desisyon ng SC sinabi nito na wala silang kapangyarihan na hawakan agad ang kaso dahil ang isyu ay may kaugnayan sa halalan kayat nararapat lamang na mismong ang Commission on Election (Comelec) ang duminig nito.
Iginiit pa ng Korte na wala rin silang makitang basehan upang idemanda si Pangulong Arroyo dahil isa siyang impeachable official.
Magugunita na naghain ng petition for certiorari sina Roa at Rasul dahil sa umanoy paglabag sa Konstitusyon at Omnibus Election Code dahil sa hindi niya maaaring gampanan ng sabay ang pamamahala sa bansa at pangangampanya.
Kasama rin sa petisyon ang kahilingan na pagbawalan sina Executive Secretary Alberto Romulo na ipatupad ang mga direktiba ng Pangulo at pagbawalan din ang Commission on Audit at National Treasurer na ihinto na ang pagpapasahod sa Pangulo.
Iginiit ng mga kalaban sa pulitika ng Pangulo na maari umanong gamitin ang pondo ng gobyerno sa kanyang pangangampanya kaya mas makabubuting magbitiw na ito sa tungkulin at palitan ni Vice President Teofisto Guingona. (Ulat ni Gemma Amargo)