Sa pahayag ng grupong May Pag-asa ang Kababaihan (MPK), isang paglapastangan sa imahe ng kababaihang Pilipina ang pagpapagamit ni Torralba sa mga kalaban ni de Castro.
Sinabi ni Louie Dayrit, MPK president, na hindi kinakailangang isakripisyo ni Torralba ang kapakanan ng kanyang sariling anak para lamang makalahok sa maruming mundo ng pulitika.
"Anong klaseng ina ang handang magbitaw ng kasinungalingan at sirain pati buhay ng sariling anak?" tanong ng MPK matapos mapag-alaman na tinanggap ni Torralba ang nasabing halaga mula sa mga kalaban ng senador sa pulitika para gibain ang kanyang kandidatura.
Ang pagkondena ng nasabing grupo ay bunsod na rin ng panibagong ratsada ng black propaganda laban kay Kabayan na inaabot na ng kanyang mga kalaban sa nakakarimarim na antas.
Ginulantang ni Torralba ang publiko kamakailan matapos itong lumantad sa isang campaign rally ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na walang habas na pinaratangan si de Castro bilang isang pabayang ama sa anak nilang dalawa na si Manueli.
Agad naman naabsuwelto si de Castro sa bintang ni Torralba matapos pasinungalingan ni Manueli ang mga paratang laban sa kanyang ama. "Tigilan mo na kami. Masaya na ang buhay ko. Masaya na ako kay Daddy at Mommy Arlene," luhaang sinabi ni Manueli sa isang episode ng TV Patrol noong Lunes.
Sinabi ni de Castro na hindi niya inakalang aabot sa nakakarimarim na antas ang black propaganda na inilulunsad laban sa kanya. Dahil dito, hiniling ni de Castro na huwag idamay ang kanyang pamilya sa pulitika.
Kahapon, patuloy na nagpagamit si Torralba sa mga political rivals ni de Castro matapos nitong pataasin ang antas ng kanyang "dirty tricks" at binansagan ang senador na isang abortionist.
"Nakakaawa si Pacita. Dahil sa pangangailangan ay napipilitan siyang magpagamit sa pulitika. Pati tuloy tahimik na pamilya ay nadadamay. Sana mahinto ang lahat ng kasinungalingang ito," sabi ni Atty. Jesse Andres, spokesperson ni de Castro.