Ayon kay Torralba, hindi dapat pagkatiwalaan ng bayan ng kahit anong pampublikong posisyon si de Castro lalo na ang pagka-bise presidente.
Ibinuking ng dating esposa ni de Castro na "kasinungalingan" ang pakilala ng brodkaster sa kanilang anak na si Manueli bilang anak niya sa pagkabinata.
Naghinanakit si Torralba dahil hindi inamin ni de Castro na anak sa unang pamilya ang kanyang panganay na si Manueli at sa halip ay ipinakilalang anak niya ito sa pagkabinata.
Si Manueli, paglilinaw ni Torralba, ay lehitimong anak ni de Castro bago pa ipina-annul ng huli ang kanilang kasal sa pagnanais ng makasampa sa hanay ng mga maykaya at makapangyarihan, at upang maipromote ang kanyang pag-angat sa ABS-CBN.
Wala rin anyang isang salita si de Castro dahil matapos siyang pumayag sa kanilang annulment ay hindi nito tinupad ang kanyang pangako na susuportahan ang kanilang anak.
Inakusahan din ni Torralba si de Castro ng pamemeke umano ng dokumento. Sinabi rin ni Torralba na hindi totoong si de Castro ay gradweyt ng kursong Commerce dahil hanggang second year college lang ang tinapos nito.
Kung may ipinangalandakan mang diploma at transcript of record si de Castro, mas malamang anya na binili niya ito mula sa mga mamemeke ng dokumento na nagkalat sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila.
Ipinadukot rin ni de Castro ang mga dokumento ng kanilang kasal ni Torralba sa simbahan kung saan sila ikinasal at nagbayad umano ng P10,000 para mapasakanya ang mga nasabing dokumento.
Mariing itinanggi naman ni Kabayan ang mga paratang sa kanya ni Torralba dahil hindi naman siya kasal dito at ang anak nila ay siya ang nag-aruga mula pa ng maliit ito hanggang sa mag-asawa. Hindi anya niya ini-expect na pati asawa at anak niya ay isasama sa black propaganda.
Pinasinungalingan din ni Manueli na pinabayaan siya ni de Castro at nakiusap sa ina na huwag na silang guluhin dahil masaya siya sa piling kanyang ama at pamilya.
Aniya, naniniwala siyang mayroong nasa likod ng paglutang ni Torralba sa mismong rally ng KNP sa Bacolod na may bahid pulitika upang siraan lamang ang kanyang kandidatura. (Ulat ni Rudy Andal)