Eleksiyon guguluhin ng Abu

Nagbanta ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na manggugulo sa pamamagitan ng pangingidnap sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec), pambomba at ambuscades laban sa tropa ng pamahalaan upang isabotahe ang nalalapit na halalan sa rehiyon ng Mindanao.

Ayon sa ASG, hindi sila titigil sa paghahasik ng terorismo hanggat hindi umano pinalalaya ng pamahalaan ang isa sa nakakulong nilang lider na si Hector Janjalani na nasentensyahan ng double life at nakakulong ngayon sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.

Base sa nakalap na ulat, isasabotahe ang halalan sa Mindanao at kabilang umano sa mga target ay ang mga matataong lugar, tanggapan ng Comelec, mga itinatayong polling precincts, mga election registrar, mga sundalong nangangasiwa sa kapayapaan sa rehiyon abtp.

Bukod sa pambobomba ay binabalak ring dukutin ng mga bandidong ASG ang mga opisyal ng Comelec at lahat ng naatasang mangasiwa para sa eleksiyon.

Sinabi naman ni AFP Chief Lt. Col. Daniel Lucero na nakahanda ang tropa ng militar sa anumang mga karahasan na bantang isagawa ng bandidong grupo.

Inalerto na ang lahat ng kanilang mga units sa rehiyon upang hadlangan ang masamang binabalak ng bandidong grupo habang pinalakas rin ang intelligence operations sa lahat ng rebel groups sa rehiyon.

Sa kabila nito, minaliit lamang ni Lucero ang banta ng ASG sa pagsasabing psywar lamang ito para maghasik ng sindak at takot sa panig ng publiko dahil pilay na ang operasyon ng kanilang grupo.

Gayunman, tiniyak naman ni Lucero na mas mabuti na ang nakaalerto sa lahat ng banta ng panganib bilang pagtupad sa kanilang tungkuling pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan partikular na sa nalalapit na eleksiyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments