Mula P8 milyon, tinaas na ng mga kalaban ni de Castro ang pondo hanggang P12 milyon upang pabagsakin ang kandidatura ng nangungunang vice presidential candidate ng Koalisyon ng Karanasan, Katapatan para sa Kinabukasan o K4.
Ayon kay Isko Catibayan, spokesperson ng Kay Kabayan Ka (KKK) movement, sinabi ng isang impormante mula sa K4 na dismayado ang mga kalaban ni de Castro sa kabiguan ng unang ratsada ng demolition job kaya dinagdagan pa ng P8 milyon ang pondo para palakasin ang smear drive laban sa senador. Nauna nang ibinulgar ni K4 spokesperson Mike Defensor na isang PR group ang nasa likod ng naturang demolition job. Napag-alaman na isang Willie at Agnes ang nagpapatakbo ng nasabing PR group na kinargahan ng P8 milyon upang simulan ang paninira laban kay de Castro.
Ayon sa source, bahagi ng demolition job ang Bagong Lahi Development Foundation na siyang nagsampa ng extortion charges laban kay Kabayan sa Ombudsman.
Ngunit sa kabila ng paninira, hindi natinag si de Castro na umani agad ng suporta sa mga respetadong miyembro ng Kongreso.
Kailan lamang ay nahubaran ang tunay na kulay ng Bagong Lahi matapos ibunyag ni Sen. Joker Arroyo na isang impostor ang namumuno ng nasabing kumpanya.
Binisto ni Sen. Arroyo base sa rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ang lider ng Bagong Lahi na si Alvin Alvincent Almirante ay isang manlilinlang at responsable umano sa pangongotong ng mga miyembro ng naturang foundation.
Dahil sa expose ni Arroyo, napipintong ibasura ng Ombudsman ang kasong isinampa laban kay de Castro matapos maging kuwestiyunable ang kredibilidad ng mga complainants. (Ulat ni Lilia Tolentino)