Nabatid ito matapos na masabat kamakailan sa Cebu City ang may 1,700 kilo ng pseudoephedrine na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon na kung saan ay nasangkot ang pangalan ni Cebu Vice Governor John Gregory "John-john" Osmeña, anak ni Sen. John Osmeña.
Sa isang pulong sa Casino Espanol sa Cebu City, nagkaisa ang mga dumalo na sina PDEA Region 7 director Gaudencio Pagaling, Jr., NBI regional director Renaldo Esmeralda, region 7 chief Senior Supt. Augusto at Customs lawyer Rey Rico Holganza na malaki ang posibilidad na may shabu laboratory na sa rehiyon base na din sa dami ng kemikal na nakumpiska nila.
Pumutok ang pangalan ni Osmeña ng maglabasan ang mga balita na isang mataas na opisyal ng lalawigan ang nagtangkang makialam para pakawalan ang kontrabando na sinamsam ng mga operatiba ng gobyerno matapos mabigo ang consignee nitong si Mike Cummings, isa sa mga incorporator ng Coastside Ventures, na makapagpakita ng kaukulang dokumento para umangkat ng nasabing kemikal.
Ang pseudoephedrine ay pangunahing sangkap na ginagamit para makagawa ng shabu at maaari lamang itong angkatin kung may mga papeles na magpapatunay na gagamitin ito sa pag-manufacture ng legal na prescription drugs. Ang kemikal ay nagmula sa Shanghai, China at dumating sa bansa noong Marso 5.
Uminit ang usapin sa arboran ng kontrabando nang isang mataas na opisyal ng BoC ang nagsabi sa isang panayam na may tumawag sa kanyang isang tao na nagpakilalang tauhan umano ni Osmeña at tinangka siyang suhulan ng malaking halaga para pakawalan ang kargamento subalit tinanggihan niya ang suhol.
Isa pang opisyal ng Customs na si Capt. Isidro Estrera, district commander ng Enforcement and Security Service ang nagsabi din na dalawang beses siyang tinawagan ng isang nagpakilalang tauhan ng bise gobernardor noong Marso 7 at 8 para suhulan ng P20 milyon kapalit ng pagri-release ng kargamento. (Ulat ni Joy Cantos)