"Nananawagan kami sa bise alkalde na wag niyang ipangalandakan sa kanyang pamumulitika ang suportang minsan ay ipinagkaloob sa kanya ng aming simbahan," pahayag ng isang mangangaral ng INC sa nasabing lungsod.
Ang pahayag ng matapat na alagad ng INC ay bilang reaksiyon sa pagmamayabang umano ni Lacuna sa kanyang mga lider na tiyak na ang kanyang reelection dahil bitbit ang kanyang kandidatura ng pamunuan ng relihiyong pinamumunuan ni Eraño Manalo.
"Hindi ako puwedeng bitiwan ng INC kasi alam naman ninyong lahat kung ano ang ginagawa kong tulong para sa grupo ni Ka Erdie, kaya nakatitiyak na tayo ng panalo sa darating na halalan," pagmamalaki umanong sabi ni Lacuna sa isang pulong ng kanyang mga lider noong nakaraang linggo.
Binuweltahan naman si Lacuna ng mga miyembro ng INC na nagsabing "Anong mga tulong ang kanyang sinasabi? Ang totoo ay hindi pinapayagan sa aming relihiyon ang mga tulong galing sa pulitika na may nakaumang na motibong pulitikal."
Pinaalalahanan din ng ilang kasapi ng INC ang kanilang pamunuan laban sa pagsuporta sa mga kandidatong hindi malinis ang pagkatao at lantad sa publiko ang mga gawing lihis sa mga kautusan ng Diyos.
Ang tinutukoy nila ay ang mga ulat na kakalikutin ng Ombudsman ang lifestyle ni Lacuna dahil sa umanoy hidden wealth nito. (Ulat ni Gemma Amargo)