Accuser ni Noli,peke - Joker

Posibleng ibasura ng Ombudsman ang kasong isinampa ng Bagong Lahi laban kay Sen. Noli "Kabayan" de Castro matapos isigaw ni Senator Joker Arroyo na hindi si Noli kundi ang nasabing foundation ang nangongotong.

Binanatan ni Sen. Arroyo ang kalaban ni de Castro matapos nitong ibunyag na isang impostor ang lider ng Bagong Lahi Development Foundation.

Base sa record ng Securities and Exchange Commission (SEC), ibinulgar ni Arroyo na ang Bagong Lahi ay ang dating East Pacific AAA Foundation na hindi nakapagrehistro sa naturang ahensiya noong 2002 dahil sa salang ‘misrepresentation and prejudice against the public.’

Sa 2002 decision ng SEC, kinansela nito ang rehistro ng East Pacific dahil na rin umano sa panloloko nang sabihin nito na hawak ng foundation ang milyon-milyong yaman ng pamilya Marcos at ibabahagi umano ang nasabing yaman sa mga miyembro kung babayaran ng mga ito ang ID na nagkakahalaga ng P75.

Ayon kay Arroyo, ang East Pacific ay pinamumunuan dati ng isang Alvin Alvincent Almirante. Minsang nagpakilala si Almirante bilang ang tunay na anak ni dating Presidente Marcos na si Bong-Bong Marcos upang maging basehan ng kanyang pahayag na may milyon-milyong Marcos money ang kanyang foundation.

Nabatid din ni Arroyo na hindi lumilitaw ang Alvin Alvicent Almirante sa incorporator papers ng Bagong Lahi ngunit nakita ang Almirante Bersales bilang isa sa pinakamataas na incorporator ng nasabing foundation.

Nadiskubre niya na ginagamit ni Almirante ang pangalang Bersales bilang kanyang alyas. "Kaya si Almirante at Bersales ay iisa lang," ani Arroyo.

Sa paggiba kay de Castro, sinasabing isang Andrew Gonzales ang namumuno sa Bagong Lahi at siya ring nagsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa senador.

Pinapalabas ng Bagong Lahi na ang Andrew Gonzales ay si Bro. Andrew Gonzales na dating Education secretary ni dating Pangulong Estrada at presidente ng La Salle kahit hindi naman tooo.

Dahil dito, sinabi ni Arroyo na hindi si de Castro kundi ang Bagong Lahi ang nangongotong sa mga miyembro nito kaya malaki ang tsansa na balewalain na lang ng Ombudsman ang naturang kaso dahil na rin sa kuwestiyunableng kredibilidad ng mga "complainants". (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments