Ayon kay Christina Castillo Decena, hindi dapat mailipat ang kasong estafa sa Makati Prosecutions Office dahil malaki ang kanyang duda na mayroong koneksiyong opisyal ang nasabing aktor dito.
Sa preliminary investigation kahapon, naghain ng motion to remand ang kampo ni Phillip upang mapalipat ang nasabing kaso.
Sinabi ng abogado ng aktor na si Atty. Roberto Abad na walang basehan ang kasong isinampa ni Decena laban sa kanyang kliyente.
Hiniling pa rin ni Phillip sa prosecution na ipalabas agad ang resolution hinggil sa kanilang isinumiteng motion. Kasalukuyang nasa Amerika ang aktor.
Tiniyak naman ni State Prosecutor Susan Dacanay na anumang araw mula ngayon ay ipalalabas ang nasabing desisyon.
Magugunita na ipinasubpoena ng DoJ si Phillip upang pasagutin sa kasong kriminal laban sa kanya matapos na hindi maibalik ng aktor ang P15M na pinautang umano ni Decena na ginamit ng aktor sa pangangampanya noong ito ay tumakbong mayor ng Mandaluyong. (Ulat ni Grace dela Cruz)