Bakasyon ni GMA igigiit

Muling hinamon nina KNP senatorial candidates Amina Rasul at Boots Anson-Roa si Pangulong Arroyo na magsumite ng leave of absence habang nangangampanya para sa presidential elections.

Iginiit nina Rasul at Anson-Roa na malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon na hindi maaaring tumakbo sa isang halalang pampanguluhan ang isang incumbent president dahil sa posibilidad na maaaring gamitin nito ang public resources para lamang sa kanyang kandidatura.

"Inamin mismo ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na kakaiba ang sitwasyon ngayon ni Pangulong Arroyo dahil tumatakbo rin siya para sa pinakamataas na puwesto ng bansa. Dahil dito ay nararapat lamang siyang magsumite ng leave of absence at hayaan ang bise presidente ang magpatakbo sa gobyerno," pahayag nina Rasul at Anson-Roa.

Nauna rito ay naghain ng petisyon ang dalawang nabanggit na senatoriables sa Supreme Court upang ideklara si Arroyo na on-leave habang ito ay nangangampanya at italagang pinuno ng caretaker government si Vice President Teofisto Guingona.

"Bilang Commander-in-Chief ng AFP at may kontrol din sa PNP, napakalawak ng puwersang hawak ni GMA," ani Rasul.

Inakusahan din ang Pangulo na ginagamit ang PCSO at ang PhilHealth upang mabili ang boto ng mahihirap.

"May PhilHealth card na, meron pang "Gloria Rice" at mga kalsadang programa na malinaw na ginagamit para mamili ng boto kaya dehado ang oposisyon," dagdag ni Anson-Roa.

Kung talaga anilang nais ng Pangulo na maging mapayapa, maayos at malinis ang halalan sa Mayo ay nararapat lamang siyang bumaba sa puwesto at lumaban nang parehas.(Ulat ni Rudy Andal)

Show comments