Ang nasabing panukalang batas ay mangangalaga at tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa sa mga day care centers na kabilang sa mga pangunahing service provider sa laranagn ng kalusugan.
Napag-alaman na sa kasalukuyan ang mga day care workers ay tumatanggap lamang ng buwanang allowance na P500 na napakaliit na halaga para sa pang-araw-araw na gastusin ng mga ito.
Sa ilalim ng panukalang batas, hahatiin sa tatlong kategorya na ibabase sa kursong tinapos ng mga day care workers. Level 1 ang high school graduate na tatanggap ng buwanang suweldo katumbas ng Salary Grade (SG) 6.
Sa level 2 naman na umabot ng 2nd year college ay tatanggap ng sahod na katumbas ng SG 8 at ang level 3 na mga college graduate ay tatanggap naman ng sahod na katumbas ng SG 10.
Bukod dito, makakatanggap ng dagdag benepisyo ang mga ito gaya ng overtime at hazard pay para sa mga day care worker na nakadestino sa mga delikadong lugar at ang pagkakaroon ng maternity, paternity, sick leave, vacation leave benefits, libreng pagpapagamot sa mga ospital, insurance at retirement benefits.
Nakapaloob pa sa panukalang batas na maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga day care workers sa kabila ng matinding kahirapang nararanasan ngayon sa bansa. (Ulat ni Lordeth Bonilla)