Sa ginanap na pulong balitaan sa Capiz, Roxas City, itinanggi ng Pangulo ang akusasyon ng oposisyon na may kinalaman ito sa pagkakatanggal ni Dolphy bilang bahagi ng kanilang deal sa Lopez-owned ABS-CBN para sa buong suportang pulitikal ng nasabing maimpluwensyang pamilya.
"Certainly not, I dont even know that he (Dolphy) has a show," anang Pangulo.
Tahasang inihayag ng mga tagasuporta ni FPJ kabilang ang kanyang senatorial bet na si Juan Ponce Enrile na ang pagkakasibak kay Dolphy ay direktang resulta sa ulat na unawaan ng kampo ng Pangulo at Lopezes bilang bahagi ng pagtulong sa kanyang kandidatura para sa May 10 presidential election.
Kaugnay nito, malaki ang paniniwala ng mga beteranang artista na mayroong pressure na nagmula sa Malacañang kaya napilitan ang ABS-CBN management na sibakin si Dolphy matapos ang lantarang pagsuporta ng comedy king kay FPJ.
Sinabi ni Ms. Armida "Tita Midz" Sigueon-Reyna sa panayam ng PSN na hindi siya naniniwala na kaya sinibak si Pidol sa ABS-CBN ay dahil sa hindi nag-re-rate ang show nito.
"Ang mahal-mahal ng ibinabayad ng ABS-CBN kay Dolphy at lalong hindi totoo na hindi nagre-rate ang show nitong "Home Along Da Airport" para gamiting dahilan na sibakin ang hari ng komedya sa nasabing TV station kundi may pressure ito mula sa Malacañang," ani Sigueon-Reyna.
Aniya, malamang na pinilit ng nasa Palasyo ang Channel 2 management na sibakin si Dolphy dahil ang inindorso nito sa pagiging presidente ay si FPJ at hindi si Pangulong Arroyo.
"Masahol pa itong Gloria Macapagal-Arroyo kay yumaong Pangulong Marcos sa pagiging diktador kaya dapat na itong palitan sa darating na Mayo kaya kami nina Inday Susan at Annabelle Rama ay walang hinto ang aming palengke tour para masiguro ang panalo ni FPJ sa darating na eleksyon," dagdag pa ni Tita Midz sa isang telephone interview habang nasa palengke tour ito sa Laguna kahapon.
Iginiit naman ni FPJ, sana ay hindi totoo ang naturang balita at ang naging batayan para sibakin si Dolphy sa nasabing TV station ay dahil lamang sa pagsuporta sa kanya.
"Napakababaw namang dahilan ito kung sakaling totoo ang balitang sinibak nga si Dolphy sa ABS-CBN. Well I hope na di totoo ang balita at sana wag yun ang dahilan ng pagsibak kay pareng Dolphy," ani FPJ.
Inamin ni Da King na galit ang buong showbiz industry sa nangyari sa beteranong comedian. (Ulat nina Marvin Sy at Rudy Andal)