Sinabi ni PNP Directorate for Intelligence P/Chief Supt. Robert Delfin na may mangilan-ngilan na umanong miyembro ng Abu Sayyaf galing Mindanao ang naririto sa kalakhang Maynila upang makapagplano ng mga serye ng pag-atake sa kalunsuran.
Kabilang sa mahigpit na binabantayan ngayon ng Western Police District (WPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Maharlika Village sa Taguig; Muslim compound sa Quiapo, Manila; Culiat, Quezon City atbp.
Nabatid na inilagay sa heightened alert ang Metro Manila matapos na makita umano ang dalawang grupo ng ASG sa isang lugar sa lungsod ng Maynila. Magsasagawa umano ang mga ito ng pambobomba at balak ring patakasin si Hector Janjalani at iba pang bandido na nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Sinabi ni Delfin na hindi pa kumpirmado ang naturang ulat ngunit isinagawa na ang lahat ng paghahanda upang hindi magulantang ng posibleng pag-atake ng mga bandido na maaaring desperado sa pakikipaglaban sa gobyerno.
Nagsagawa naman ng pakikipag-ugnayan ang WPD sa mga Muslim leaders sa Quiapo upang beripikahin ang naturang ulat at upang hingin ang suporta ng mga ito.
Sa panig naman ni AFP-NCRC Chief Lt. Gen. Alberto Braganza, sinabi nito na nananatiling kontrolado ng military ang sitwasyon sa buong Metro Manila sa gitna na rin ng umanoy bantang pag-atake ng mga terorista sa bansa partikular na sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Braganza, mahigpit nilang binabantayan ang mga kritikal na lugar tulad ng mga shopping malls, MRT, LRT at iba pang matataong lugar. (Ulat nina Joy Cantos at Danilo Garcia)