Ipinag-utos na ni WPD director, Chief Supt. Pedro Bulaong ang mas ibayong pagbabantay sa Light Rail Transit (LRT) matapos ang sunud-sunod na pambobomba sa tatlong istasyon ng tren sa Madrid, Spain.
Dinagdagan rin ang puwersa ng mga bantay sa paligid ng Palasyo ng Malacañang, US Embassy, Korte Suprema, Comelec at mga malls.
Ipinagbabawal na rin ang pagpaparada ng mga sasakyan sa labas ng WPD Headquarters at isang gate na lamang ang binuksan sa pangamba na gumamit ng "car bomb" ang mga terorista kaugnay ng natanggap na bomb threats.
Nabatid buhat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Ricardo de Leon na may mga intelligence reports silang natanggap ukol sa naispatang mga miyembro ng Abu Sayyaf na magsasagawa ng pagpapasabog sa Metro Manila.
Ayon kay de Leon, nais umanong itakas ng mga ito ang mga bandido na nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig sa pangunguna ni Hector Janjalani na kapatid ni ASG leader Khadaffy Janjalani.
Isasagawa umano ang pambobomba upang malito ang mga pulis na sasamantalahin naman ng mga bandido para patakasin sina Janjalani.
Dahil dito, nag-utos si de Leon na ilipat ng kulungan sina Janjalani at iba pang bandido. Pinalitan na rin ang mga lock ng mga kulungan at mas pinahigpit ang bantay sa Camp Bagong Diwa.
Mas pinagting na rin ngayon ang deployment ng mga pulis sa mga checkpoints para masawata ang mga bandido.
Sinabi ni de Leon na kahit hindi nila kumpirmado ang naturang ulat, mas mabuti na ang nakahanda upang hindi matulad ang bansa sa naganap na sunud-sunod na pagpapasabog sa Spain. (Ulat ni Danilo Garcia)