Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, hindi lamang patas na paglilitis sa kasong pandarambong ang inaasahang ibibigay ni FPJ kay Estrada kundi ang maibalik ang dating pangulo sa pampulitikang kapangyarihan.
Naniniwala ang solon na gimik lamang ni FPJ ang ginawa nitong pahayag na tanging patas na paglilitis ang maibibigay niya sa kanyang kaibigan.
Sigurado anyang si Erap ang magpapatakbo ng pamahalaan sa sandaling maluklok sa Malacañang si FPJ.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sinusuportahan ng mga rebeldeng komunista ang kandidatura ni FPJ dahil alam nila na mas madaling maglunsad ng rebolusyon kapag naging pangulo ito ng Pilipinas.
Ayon pa sa solon, ang grupo ni Estrada ang kumikilos upang mapagkasundo sina FPJ at Lacson at masigurong mananalo sila kay Pangulong Arroyo.
"Alam kasi nila na mapupurnada ang kanilang mga pangarap na makaupo sa Palasyo kung watak-watak ang kanilang puwersa kaya kailangang umatras sa halalan si Lacson nang mabigyan ng magandang laban ang kandidatura ni FPJ," pahayag ni Barbers. (Ulat ni Malou Rongalerios)