Isang Pilipino ang kumpirmadong kasama sa 190 na namatay sa insidente habang inaalam pa ng embahada ng Pilipinas sa Madrid ang isa pang Pinoy na kabilang sa 1,400 sugatan.
Ayon kay RP Ambassador to Spain Joseph Bernardo, ang nasawi ay isang 21-anyos na binata. Tumanggi pansamantala ang DFA na ihayag ang pangalan ng mga ito.
Base sa report, kagagawan ng Eta, isang bus separatist movement at grupo na kabilang sa talaan ng Foreign Terrorist Organization ng Estados Unidos, ang pagpapasabog, pero inaako naman ng Al Qaeda terrorist network ni Osama bin Laden.
Umabot sa 8-9 bomba ang hinihinalang itinanim sa tatlong istasyon ng tren at sabay-sabay na pinasabog ng mga terorista.
Sa rekord, umaabot sa 17,000 Pinoy ang nasa Madrid at 40,000 ang nasa Spain.
Nabatid kay Bernardo na 60% ng Pinoy ang nag-migrate at naging Spaniards habang 40% ang nagtatrabaho bilang mga domestic helpers, hotel at restaurant staff.
Sinabi naman ni Bernardo na nagpadala na siya ng dalawang staff ng embahada sa ibat ibang ospital na pinagdalhan ng mga biktima upang tukuyin ang iba pang Pinoy na biktima ng mga pagpapasabog. (Ulat ni Ellen Fernando)