Ayon kay Andrew Gonzales, national director ng Bagong Lahing Pilipino Development Foundation, siya at ang kanyang staffer na si Benjie ay binabantaang papatayin kung hindi titigil sa paglalantad ng "baho ni Noli.
"Pero hindi kami patatakot, kahit harangan pa kami ng sibat. Kailangang malaman ng lahat kung bakit si Noli ay tinatawag na "Kabayad" sa hanay ng mga mamamahayag," matigas na pahayag ni Gonzales.
Ang Bagong Lahi ay isang charity organization na siniraan umano ni de Castro sa TV program nitong Magandang Gabi Bayan noong Peb. 2, 2002 nang di nila ibigay ang hinihingi umano nitong P3.5 milyon.
"Itoy para sa mamamayan. Kailangang hubarin ang maskara ni de Castro dahil baka gamitin pa niya ang kanyang inaambisyong posisyon para maipagpatuloy ang kanyang nakakarimarim na operasyon," aniya.
Hinamon rin ni Gonzales ang Malacañang at Senado na imbestigahan si de Castro imbes na ipagtanggol ito sa pagpapalutang ng kung anu-anong conspiracy theory.
"Lumalabas na sacred cow ng administrasyon itong si Noli dahil imbes na paimbestigahan ay pilit pang pinagtatakpan," sabi pa ni Gonzales. (Ulat ni Ellen Fernando)