Sa sketchy report, dinakip ng mga kagawad ng PCG sa Davao City port ang suspek na si Agustin Beltres.
Nabatid na isa sa mga pasahero ng lumubog na barko ang suspek at naging kahina-hinala dahil sumakay ito na walang dalang anumang bagahe.
Isinailalim umano sa surveillance ang suspek at hinuli lamang ng mga tauhan ng PCG nang dumating ito sa Davao City. Plano umano ni Beltres na pasabugin ang nakadaong na SuperFerry 16 sa pier ng General Santos City.
Matatandaan na inako ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang pagpapasabog sa naturang barko ng WG&A na kagagawan ng miyembro nilang si Arnulfo Alvarado na siyang passenger 51 sa manifesto.
Hindi naman tinukoy ng PCG na si Beltres ang tinutukoy na si Alvarado.
Una nang itinanggi ni PCG Vice Admiral Arthur Gosingan na Abu Sayyaf ang may kagagawan ng pagpapasabog at isang pasaherong babae umano ang passenger 51ng barko.
Gayunman, habang isinusulat ang balitang ito ay pinalaya rin ang suspek matapos mapag-alaman na hindi ito ang Alvarado na itinuturo ng ASG. (Danilo Garcia/Joy Cantos)