Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na handang sagutin ng PCSO at PhilHealth ang mga akusasyon laban dito.
Ito ay kaugnay ng pagsasampa ng kaso ng mga grupo ng abogado laban kay PCSO chairperson Ma. Livia Singson at PhilHealth chief Francisco Duque III dahil sa pamumudmod ng cards na umanoy isang uri ng pangangampanya sa eleksiyon ng Pangulo na ipinagbabawal ng batas.
Inireklamo ang malaking litrato ng Pangulo sa mga health cards dahil ginagamit umano ito sa pulitika.
Sinabi naman ni Bunye na sasagutin ng administrasyon ang nasabing demanda at alegasyon para na rin sa ikalilinaw ng isyu.
Ayon naman kay Health Secretary Manuel Dayrit, sa halip na batikusin ay dapat suportahan ang proyektong ito ng Pangulo.
Nilinaw ni Dayrit na ang programa ng PhilHealth ay pinagtibay ng National Health Insurance Law o Republic Act 7875, kung saan nakasaad na ang gobyerno ay kailangang magbigay ng universal health insurance coverage. (Ulat nina Ely Saludar/Lilia Tolentino/Gemma Amargo)