Ito ang nilinaw kahapon ni Asst. Ombudsman Ernesto Nocos kasunod ng iniharap na kasong "conniving with or consenting to evasion of prison" at "usurpation of judicial functions" laban kina Pangulong Arroyo, Housing Secretary Michael Defensor, PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane at Police Security and Protection Office Chief Supt. Roland Sacramento dahil sa pagpayag umano ng mga ito na makapunta si dating Pangulong Estrada sa kanyang rest house na ilang metro lamang ang layo sa kanyang kulungan.
Batay sa anim na pahinang affidavit-complaint, ibinulgar ng PlunderWatch na dalawang beses isang linggo na nakakapunta sa kanyang rest house si Estrada lalo pa kung may dumarating itong bisita at sa pagkakataong ito ay pinapayagan itong manatili sa nasabing bakasyunan na matatagpuan lamang ilang metro ang layo mula sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal kung saan ito ipinag-utos na idetine ng Sandiganbayan.
Binigyang-diin ng PlunderWatch sa reklamo nito na nagsabwatan ang mga nasabing opisyal para payagan ang ganitong sistema gayong wala namang court order na nagpapahintulot nito.
Pero ayon kay Nocos, hindi maaaring kasuhan ang pangulo ng bansa dahil isa itong impeachable official.
Inihalimbawa nito ang kaso ni Estrada na dumaan muna sa impeachment process sa Kongreso bago nasampahan ng Ombudsman ng kaso sa Sandiganbayan.
Pero tiniyak ni Nocos na magsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang kanilang tanggapan para madetermina kung maaari itong maging basehan para sa pagsusulong ng isang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sinabi naman ni Cebu Rep. Antonio Cuenco na isang abogado, "impeachable official" si Arroyo at hindi ito maaaring kasuhan dahil sa ginawang pagkakamali ng kanyang subordinates.
Matatawag din anyang premature ang isinampang kaso ng PlunderWatch laban kay Arroyo at iba pang opisyal ng gobyerno dahil hanggang sa kasalukuyan ay sinisiyasat pa ng Sandiganbayan mula sa mga opisyal ng PNP kung pinayagan nga ang house arrest kay Estrada.
Ngayong araw na ito pa lamang haharap sa Sandiganbayan ang ilang opisyal ng PNP kaugnay sa sinasabing pagtungo ni Estrada sa kanyang rest house.
Nanindigan si Cuenco, isang constitutional lawyer na labag sa justice system ng bansa ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa pangulo ng bansa dahil lamang sa kasalanan ng kanyang mga tauhan.
"The President cannot be held liable for the wrongful acts of her subordinates," pahayag ni Cuenco.
Idinagdag ni Cuenco na base sa Art. XI Sec. 2 ng Konstitusyon, ang Pangulo ng bansa ay maaari lamang patalsikin sa kanyang puwesto sa pamamagitan ng impeachment dahil sa culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption at betrayal of public trust.(Ulat nina Grace Dela Cruz at Malou Rongalerios)