Nabatid kay Andrew Gonzales, national director ng nasabing foundation, sasampahan ng Bagong Lahi Foundation ng graft charges si de Castro kaugnay ng anila ay paghingi ng senador sa kanila ng P3.5 million noong taong 2002 bilang umanoy membership fee nila sa Kabayan Foundation.
Tinanggihan ng Bagong Lahi, na noon ay kilala pa sa pangalan na East Pacific AAA Foundation, ang panggigipit ng mga tauhan ni de Castro gamit ang kanyang programa sa telebisyon na, Magandang Gabi Bayan, noong Pebrero 2002.
Ayon kay Gonzales, laking gulat na lang nila nang banatan sila ni de Castro gamit ang kanyang programang MGB.
Idinagdag pa niyang sa MGB ay pinalutang ni de Castro ang isang testigo laban sa East Pacific na kanilang napag-alaman na may kaso ng panggagahasa sa sariling anak at mga asunto ng estafa.
Dahil sa kahihiyang inabot sa paninira sa kanilang organisasyon, napilitan si Gonzales at iba pang opisyal nito na palitan ang kanilang pangalan mula sa East Pacific sa Ang Bagong Lahi.
Nagkalakas ng loob ang grupo na isambulat sa publiko ang "pangongotong" sa kanila ni Kabayan ng mabasa nila sa internet na marami rin palang ibang biktima ang VP candidate.
Nakasaad sa internet website na hinihingan niya ng P 300,000 pataas ang bawat nais niyang banatan o protektahan gamit ang programa niyang MGB. (Ulat ni Grace dela Cruz)