Sa isang press conference sa National Press Club, nagpakilala ang mga nagrereklamong sina Ruel Villarama, waiter at ang photographer na nagpakilala lamang sa alyas na Mar.
Sa salaysay ni Mar, naganap ang insidente noong 1988 sa loob ng Music Museum sa Ermita, Maynila. Nanonood sila ng palabas ng bigla na lamang magkagulo kaya kinuha nito ang kanyang kamera sa kagustuhang maka-scoop.
Dito niya nakita si FPJ na umanoy dinuduro ang waiter na si Villarama. Agad naman niya itong kinuhanan ngunit napansin umano ni FPJ ang flash ng kanyang kamera kaya siya pinadampot sa mga bodyguard nito.
Sapilitan umanong kinuha ni FPJ ang film ng kanyang kamera at tinapik sa mukha ng dalawang beses bago pinaalis.
Sinusugan naman ni Villarama ang pahayag ni Mar nang sabihin nito na itinulak umano siya ni FPJ at nagbasag ng bote matapos na hindi maibigay ang brand ng beer na iniinom nito.
Sinabi ng dalawa na lumantad sila para suportahan ang una nang pahayag ng dating entertainment writer na si Franklin Cabaluna na inihian umano at pinagbantaan ng aktor na ibabaon sa ilalim ng puno matapos isulat ng una na "baog" ang aktor. (Ulat ni Danilo Garcia)