Ito ang naging pahayag ni Akbayan Rep. Etta Rosales sa ginagawang pangangampanya umano ni dating National Security Adviser Roilo Golez na kumakandidato bilang kongresista ng lungsod ng Parañaque.
Partikular na tinukoy ni Rep. Rosales ang mga campaign photos ni Golez na nagpapakita na kasama niya si US Pres. George W. Bush na bumisita sa bansa noong nakaraang Oktubre.
"Hindi makakatulong ito dahil wala namang kinalaman si President Bush sa Parañaque City," sabi ni Rosales.
Tatakbo si Golez bilang kongresista ng bagong tatag na ikalawang distrito ng Parañaque matapos umano siyang ilaglag ni Pangulong Arroyo sa mga senatorial candidates ng administrasyon dahil sa poor survey ratings.
Matatandaan na dalawang beses kumandidato si Golez sa Senado subalit hindi ito nanalo.
Matapos siyang magbitiw bilang national security adviser ni Pangulong Arroyo, naging aktibo si Golez sa pangangampanya at nakikita siya sa lahat ng okasyon sa Parañaque.
Nagbabala si Rosales na maaaring makasuhan si Golez ng maagang pangangampanya dahil hindi pa nagsisimula ang local elections ay aktibo na siya. (Ulat ni Malou Rongalerios)