Sinabi ni Vice Admiral Arthur Gosingan na mala-impiyerno pa rin sa init ang loob ng naturang barko at hindi pa mapasok ng kanilang search and rescue team habang nakaistambay ito sa karagatan ng Bataan.
"Imposibleng may tao pang mabubuhay. May probability pero mahihirapan nang mabuhay sa loob dahil sa sobrang init at dalawang araw na ang lumipas," ani Gosingan.
Sinabi nito na patuloy pa rin naman ang mga tauhan ng PCG sakay ng mga fireboats sa pagbomba sa loob at labas ng barko upang mapalamig ito at makapasok na sa loob.
Sa kasalukuyan, umaabot pa rin sa 165 pasahero ang nawawala sa naturang insidente habang patuloy na dinadagsa ng mga kamag-anak ng mga nawawala ang PCG headquarters.
Sinabi naman ni PCG spokesman Lt. Armand Balilo na patuloy pa rin ang paghahanap sa mga pasahero na tumalon sa barko at maaaring pinadpad ng malakas na alon. (Ulat ni Danilo Garcia)