Sa panayam ng RMN News Manila, ipinarating ni Solaiman na tinaniman nila ng bomba ang barko.
Ayon pa rito, matagal ng target ng "terror attack" ng kanilang grupo ang mga bumibiyaheng barko partikular na ang WG & A SuperFerry at ang paghahasik ng panibagong karahasan ay kanilang itinaon sa iginawad na habambuhay na pagkabilanggo ng Pasig City Regional Trial Court sa grupo ni Hector Janjalani sa pagdukot kay African-American national Jeffrey Craig Edward Schilling noong Agosto 28, 2000.
Ipinagmalaki pa ni Solaiman, tinarget umano nila ang SuperFerry 14 upang iparating ang mensahe sa pamahalaan na malakas pa rin ang kanilang grupo sa kabila ng pagkakadakip sa ilan nilang lider kabilang si Ghalib Andang alyas Kumander Robot. Si Robot ay nadakip noong Dis. 7, 2003.
Sa panig naman ni AFP-PIO chief Lt. col. Daniel Lucero, pinagdududahan nito ang pahayag ng nagpakilalang Abu Solaiman sa pagsasabing psywar lamang ito ng ASG upang sindakin ang publiko.
Ayon kay Lucero, nakikisawsaw lang sa isyu ang ASG at pati isyu ng pagkasunog ng SuperFerry 14 ay sinasakyan.
Malabo anyang makapagsagawa ng pambobomba sa mga bumibiyaheng barko na nanggagaling sa Metro Manila ang Abu Sayyaf dahil mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad.
Bukod dito, karamihan umano sa pambobombang kinasangkutan ng Abu Sayyaf ay nangyari mismo sa Western Mindanao, ang napapabalitang kuta ng grupo ni Solaiman.
Sabi pa ni Lucero na hindi dapat basta na lamang paniwalaan ang nagpakilalang Solaiman dahil marami umanong tumatawag sa nasabing himpilan ng radyo sa gaanong pangalan. (Ulat ni Joy Cantos)