Pumatay sa Pinay analyst sa US huli sa Costa Rica

Matapos ang ilang linggong paghahanap, bumagsak na sa kamay ng United States Police ang isang pekeng doktor na pumatay sa isang Filipina financial analyst na si Maria Pilar "Pipie" Cruz, 35, ng New York.

Naaresto ang suspek na si Dean Faiello, 44, sa Costa Rica at nakatakdang iturn-over sa US Police upang kaharapin ang kaso laban sa brutal na pagpaslang kay Pipie.

Base sa ulat ng DFA, natagpuang agnas na agnas na ang katawan ng biktima sa tahanan ni Faiello matapos ang 10-buwang misteryong pagkawala nito.

Nabatid na nagpagamot si Pipie kay Faiello noong Abril 2003 matapos na magpakilala itong doktor dahil sa pamamaga ng kanyang dila. Mula noon ay hindi na ito nakita ng kanyang mga magulang.

Positibong kinilala ang bangkay ni Pipie ng kanyang pamilya dahil sa breast implant nito.

Sa record, si Faiello ay una nang dinakip ng US Police noong 2002 dahil sa kasong "practicing without a license" at "illegal possession of medical drugs."

Si Faiello ay napatunayang nagkasala at hinatulan ng korte noong 2003 subalit tumakas ito patungong Coasta Rica bago ang pagpapalabas ng desisyon o sentensiya.

Sa Costa Rica ay pumasok pa umano ang suspek bilang dancer.

Ang bangkay ni Pipie ay na-cremate noong Pebrero 24 sa New York at nakatakdang iuwi ang abo sa Pilipinas. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments