Kahapon sa National Press Club (NPC), inihayag ni Franklin Cabaluna, 65, editor-in-chief ng Insider magazine na binantaan siya ni FPJ na "hindi na sisikatan ng araw" at "ibabaon sa puno ng acasia sa Manila Zoo" habang iniihian siya ng aktor.
Ito ay kasunod ng pagsulat nito sa kanyang kolum noong 1967 na maliit ang ari ng aktor at isang "baog" na ikinairita sa kanya ni FPJ.
Isang taon pagkaraan ay nagkita muli sina Cabaluna at FPJ sa Awards Night ng FAMAS noong 1968 at ipinahabol si Cabaluna sa kanyang bodyguard na si Tony Cruz at sinuntok umano siya nito.
Hindi isinulat ni Cabaluna ang karanasan niya sa aktor at sinabing lumantad lamang siya sa publiko upang ihayag na hindi dapat iboto si FPJ dahil sa likod ng maganda at kagalang-galang na imahe na ipinapakita nito sa publiko ay mayroon itong "mabahong" pag-uugali kapag nalalasing.
Ayon naman kay KNP spokesperson Rep. Francis Escudero, duda sila sa biglaang paglutang ni Cabaluna. Sa isang cellphone interview, sinabi nito na may mga taong nasa likod ng malisyosong pahayag na ito ni Cabaluna dahil bakit kailangan pang idaan sa isang presscon ang paglantad nito gayong wala itong kakayahang magpatawag at gumastos ng pulong balitaan. Malinaw anyang paninira ang layunin nito. (Ulat nina Gemma Amargo/Ellen Fernando)